Humaharap ngayon sa kaso ang Women’s Center sa Sharp Grossmont Hospital sa La Mesa, California matapos mapatunayang iligal itong nag-install ng mga hidden cameras sa kanilang mga delivery rooms.
Di-umano’y patagong inirekord ng ospital ang tinatayang nasa halos 1,800 na pasyente nito.
Makikita umano sa mga nasabing recordings ang maselang bahagi ng mga kababaihang nanganganak at nakahiga sa operating tables, ceasarean sections at pati na rin ang mga bagong panganak na sanggol.
Ayon sa abogadong si Allison Goddard, isa itong malinaw na pruwebang nilabag ng nasabing ospital ang privacy ng mga pasyente.
Dagdag din nito na naka-save raw ang mga recordings sa mga computers na walang password na kung magkataon ay pwedeng manakaw ang medical records ng mga ito.
Iginiit naman ng ospital na ito raw ay dahil sa patuloy umano na pagkawala ng kanilang mga supply ng gamot kung kaya’t pumayag sila na maglagay ng hidden cameras upang mahuli ng doktor kung sino man ang salarin.
Hindi naman naniniwala rito ang mga biktima at ipagpapatuloy daw nila ang pagsasampa ng kaso laban sa ospital.