CAUAYAN CITY- Mahaharap sa kasong pagnanakaw ang isang Inventory Custodian ng isang telecommunication company matapos na nakawan ang pinagtratrabahuang kumpanya na nakahimpil sa barangay Baligatan, Ilagan City.
Sa paunang pagsisiyasat ng City of Ilagan Police Station, kahapon, November 22, 2020 ng matuklasan ng ilang empleyado ng naturang kumpanya na pwersahang binuksan ang kanilang cabinet drawer sa loob ng opisina at nawawala ang P800,000,00 cash.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan Police Staff Sgt.Carlos Sicam, sinabi niya na mismong ang Supervisor ng kumpanya na si Frederick Reyes ang nag ulat na nanakawan ang kanilang opisina.
Sa pamamagitan ng testimony ng ilang saksi ay nagawang matukoy ang suspect.
Ayon sa ilang saksi gabi noong November 21, 2020 ng makarinig sila ng ingay mula sa loob ng kanilang opisina nang tignan ay nakita nila ang suspect na lumabas bitbit ang isang eco bag.
Dahil dito ay agad na dinakip ang suspect at nabawi sa kanyang bahay ang ninakaw na pyesa at ilang unit ng cell phone.