VIGAN CITY – Naniniwala si dating Magdalo Partylist Rep. Cong. Gary Alejano na walang problema ang pagtanggap ni Vice President Leni Robredo sa hamon ni Presidente Rodrigo Duterte na maging drug czar dahil ito ay isang malaking pagkakataon para sa bise presidente na magpakita ng alternatibo kung paano masusugpo ang problemang kinakaharap ng bansa sa iligal na droga.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Alejano, inirerekomenda nito na dapat ay magkaroon ng inventory para malaman kung ano ang mga pagkukulang at hakbang na dapat maisulong o baguhin para sa ikabubuting ng nasabing kampanya.
Idinagdag pa nito na bagama’t may posibilidad na isang malaking patibong lamang ang pagiging drug czar ni Vice President Robredo ay mabuting nabigyan na siya ng pagkakataon upang maitama ang sa tingin niya ay mali sa kasalukuyang administrasyon.
Maliban diyan ay sinabi rin nito na dapat ay maliwanag ang mga planong ipapakita ng bise presidente sa taumbayan para maging matagumpay ang naibigay sa kanyang tatlong taong pamamahala.