Nasa proseso na ngayon ang Philippine National Police (PNP) sa pag plantsa para sa bagong manual na gagamitin ng kanilang mga imbestigador na rumeresponde sa mga krimen ngayong may nahaharap pa sa COVID-19 pandemic ang bansa.
Ayon kay PNP Chief Police General Archie Gamboa, konting panahon na lang ang hinihintay para matapos ang “PNP Investigator’s Handbook in the New Normal.”
Laman nito ang mga nirepasong investigation procedures na sumusunod sa minimum health standard gaya ng tamang paggamit ng Personal Protective Equipment (PPE) at paggamit ng teknolohiya para mas mabilis na pag-monitor at pagresolba ng kaso.
Sinabi ni Gamboa ang nasabing hakbang ay inisyatibo ng kanilang Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) para na rin makaiwas sa banta ng COVID 19 ang mga pulis.
Nabatid na sa 75 araw na Community Quarantine, patuloy na tumataas ang bilang ng mga pulis na tinatamaan ng sakit.