Tiniyak ni Sen. Lito Lapit na ipupursige niya na maisabatas ang panukalang magbibigay ng bigat sa investment scam bilang economic sabotage.
Ang nasabing panukala ay bahagi ng “pet bills” ni Lapid para sa 18th Congress.
Ginawa ng nagbabalik sa Senadong opisyal ang pagsusulong sa harap na rin ng dumaraming kaso ng investment scam.
“Sa panukalang ito, siguradong lahat ng mga manggagantso, mag-isa man o sindikato ay wala nang lusot at siguradong mabubulok sa kulungan,” wika ni Lapid.
Nitong nakalipas na buwan lamang, ilang investment firm ang ipinasara ng Securities and Exchange Commission (SEC) dahil sa mga paglabag sa securities regulation act.
Kasama sa mga ipinasara ang tinaguriang pinakamalaking investment scam sa Pilipinas na KAPA, base sa pahayag ng SEC at NBI.