-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Bukas ang pulisya sa Placer, Surigao del Norte, na imbestigahan ang Matrix investment scam sakaling may miyembro nilang magreklamo sa kanilang tanggapan.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Police Major Erwin Cordano, hepe ng Placer Municipal Police Station, base sa kanilang nakuhang impormasyon, ang scheme ng Matrix ay mabilis na nakaengganyo ng mga tao dahil sa matatanggap nilang 35 hanggang 40 porsiyentong bawat-linggong pagbalik ng kanilang perang na-invest.

Ayon sa opisyal, may mga reklamo na mula sa ilang investors dahil sa biglang pagtigil ng operasyon nito ngunit wala pang opisyal na nagreklamo sa kanilang police station.

Dagdag pa ni Major Cordano, ang inisyal na problemang kanilang nakita ay ang kawalan ng opisina ng Matrix na maaari nilang pasukin sakaling may magpaabot na ng reklamo sa kanila.

Base sa nakuha nilang impormasyon, nagsimula umano ito nitong Enero lamang sa Barangay Bad-as at mabilis na nakaengganyo ng mga taong mula sa iba’t ibang sektor ng komunidad dahil sa laki ng perang babalik sa kanila kada-linggo.