GENERAL SANTOS CITY – Nabuhayan ng loob ang ilang mga investors na maibalik pa sa kanila ang ini-invest na pera kasunod nang pagkakaaresto kay KAPA (Kabus Padatoon) founder Pastor Joel Apolinario.
Nitong nakalipas na Martes nang maaresto si Apolinario, asawa na si Reyna at 23 tauhan sa nangyaring sagupaan sa mansyon nito sa Lingig, Surigao del Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo GenSan sa ilang KAPA investors na hiniling na hindi na magpakilala sa publiko, inihayag nila na mabuting nahuli na si Apolinario upang mabayaran nito ang kanyang mga kasalanan.
Aniya, abot-langit ang kanilang galit sa pastor dahil sa ginawang panloloko sa mga tao.
Hangad naman ng ilan na maibalik ang pera tulad ng P100,000 investment sa KAPA na mula sa kanilang savings.
Ayon pa sa mga ito, sana raw ay dadalhin ng pulisya si Pastor Apolinario sa GenSan upang malaman kung saan napunta ang kanilang mga pera.
Samantala, inilahad naman ng ilan ang kanilang pagsaludo sa Bombo Radyo dahil sa paninindigan laban sa KAPA at pagbulgar sa pinakamalaking pyramiding scam sa Pilipinas.
Aniya, dahil sa walang humpay na paalala ng himpilan sa publiko ilan sa mga investors ang nabawi ang kanilang pera.
Sa isang panayam, inihayag ni ni P/Major Rennel Serrano na isinilbi ang search warrant maliban pa sa warrant of arrest sa lider ng naturang investment scam ngunit nauwi sa engkuwentro ng private army umano ni Apolinario sa isang isolated resort sa Sitio Dahican, Brgy Handamayan sa bayan ng Lingig.
Pinaniniwalaan na mayroong nasawi at isa sugatan, habang isa sa 24 na naaresto sa lugar si Apolinario.
Nabatid na nakumpiska rin ang ilang matataas na kalibre ng armas katulad ng M60 machine gun at iba pang high powered firearms.
Iniulat din ni Serrano, mayroon pang mga naka-deploy na sniper si Apolinario sa itaas ng kaniyang bahay.
Ang operasyon ng pulisya kasama ang SWAT team at mga tauhan ng Philippine Coast Guard ay batay na rin sa kasong syndicated estafa na may criminal case No. R-CDO-20-00706-CR na inisyu ni Judge Gil Bollozos, ang presiding judge ng 10th Judicial Region, RTC, Branch 21 sa Cagayan de Oro City.
Walang inirekomendang piyansa si Judge Bollozos sa kaso ni Apolinario.
Samantala ang search warrant naman ay dahil sa paglabag ng suspek sa Republic Act 9516 at Republic Act 10591 na inisyu ni Judge Shineta Tare Palacio, ang presiding judge ng 11th Judicial Region, RTC, Branch 41, Cantilan sa Surigao del Sur.
Batay naman sa spot report mula sa tanggapan ng PNP regional director sa Reg. 13, narito ang mga narekober na armas mula sa kampo ni Apolinario: “30 units M16 rifle, 2 units M4 rifle, 1 unit garand rifle, 3 units 60 caliber machine gun, 1 unit 50 caliber sniper rifle, 3 units caliber .22 rifle, 1 unit carbine, 1 unit shotgun, 2 units RPG, 5 units caliber .45 pistol at assorted ammunitions.”