KORONADAL CITY – Patuloy ang apela ng South Cotabato PNP sa mga mamamayan sa lalawigan na iwasan na ang pagpasok o maging miyembro sa anumang uri ng investment scam.
Ito ang inihayag ni Col. Joel Limson, provincial director ng South Cotabato PNP sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal matapos ilan umano sa mga residente ang umaasa pa rin sa ganitong mga modus bilang paraan upang guminhawa ang kanilang buhay.
Ayon kay Limson, mas mabuting mag-ingat sa ganitong mga kumpanya o hindi kaya’y magtanong sa mga eksperto dahil sigurado umanong masasayang lang ang perang ilalaan para sa mga ito.
Inihalimbawa rin nito na nagiging desperado aniya ang isang investor na nabiktima ng investment scam kung saan makakagawa na ito ng krimen, mayroon ding mga nagpapakamatay o wala nang makain.
Nagpaalala rin ito sa mga investment companies na huwag nang ituloy ang kanilang mga modus dahil niloloko lamang nila ang mga mamamayan at iligal ang kanilang ginagawa.
Samantala, dagdag ni Limson na mahigpit rin ang pagbabantay ng South Cotabato PNP sa mga pulis na sangkot sa investment scam katulad ng PPM kung saan marami sa mga police personnel ang nagsumite na ng kanilang mga reply sa mga summons na ipinadala ng Ombudsman at mga lokal na korte kung saan CIDG ang nagsampa ng kaso laban sa mga ito.
Ipinasiguro rin ng opisyal na magiging istrikto ang kanilang monitoring laban sa mga aktibidad ng KAPA upang hindi na sila makapambiktima pa.