-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Dumulog sa PNP-Highway Patrol Group (HPG) ang mga investors ng Kabus Padatuon (KAPA) group, Alamcco at iba pang investment scams sa Gensan dahil hinahabol na sila sa bangko.

Ayon kay PMaj. Roel Villarin, deputy ng HPG-Region 12 na pina-assume umano ng mga investors ang kanilang mga sasakyan sa ibang tao matapos na magsara ang lahat ng mga investment scams.

Subali, hindi raw nagbayad ang mga nag-assume at tinangay na ang mga sasakyan kaya’t hinahabol ng bangko ang mga investors.

Posible umanong maharap sa kasong carnapping at estafa ang tumangay ng mga sasakyan na hindi na nagbayad pa sa bangko.

Napag-alaman na noong aktibo pa ang KAPA at Alamcco, maari ng makakuha ng sasakyan kung makaka-lock-in ng pera na hindi bababa sa P250,000.

Sa ngayon, mayroon na umanong naibalik sa registered owners ang HPG 12 matapos na naireklamo sa naturang opisina.