ILOILO CITY- Napanood na ng mga Ilonggo ang isa sa pinaka multi-awarded Filipino films of 2022 na may pamagat na ‘Sa Paglupad Ka Banog’.
Tinatampok sa nasabing short film ang kwento ng Panay Bukidnon indigenous people partikular na ang bahagi ng “Hinilawod,” na isang pre-colonial oral literature ng Panay Bukidnon at sinasabing isa sa pinakamahabang epiko sa buong mundo.
Sa panayam ng Bombo Radyo sa Ilonggo Director na si Elvert Banares, sinabi nito na malaking karangalan at kasiyahan para sa kanya na sa wakas ay naipalabas ito sa Pilipinas lalo na sa Iloilo kung saan ito ginawa.
Aniya, ang nasabing pelikula ay sumasalamin sa makulay at mayamang kultura ng mga Ilonggo na dapat ay ipagmalaki sa buong mundo.
Pinasalamatan naman ni banares ang Bombo Radyo Philippines sa ibinigay na suporta sa local film industry kung kayat nakilala ang nasabing pelikula sa ibang bansa.
Napag-alaman na ang pelikula ay pinarangalan ng National Commission for Culture and the Arts matapos nanalo ito ng top prize sa Best Indigenous Language Film sa 13th Kota Kinabalu International Film Festival sa Malaysia.
Maliban sa nasabing festival, naging kalahok din ito sa hindi mabilang na mga film festivals sa iba’t ibang bahagi ng mundo sa nakaraang tatlong taon.