Mananatili pa rin umanong top priority ng International Olympic Committee (IOC) ang Tokyo Olympics na matuloy sa takdang schedule sa kabila ng bantang pagkalat pa lalo ng coronavirus disease (COVID-19).
Ayon kay IOC President Thomas Bach, patuloy ang kanilang koordinasyon sa mga lokal na otoridad sa Japan at sa iba pang mga regulatory bodies kaugnay sa preparasyon sa Summer Games.
Siniguro rin ni Bach na hindi nila mapapabayaan ang qualification procedure, lalo na ang kaligtasan ng kalahok na mga atleta.
“(The priority) is to ensure the qualification procedure and protecting the safety of athletes at the same time. This is what we’re doing in cooperation with the Japanese authorities, the World Health Organization, the Chinese Olympic Committee and many NOCs,” wika ni Bach.
Kaugnay nito, sinabi ni senior IOC member Dick Pound na hindi ikokonsidera ng kanilang liderato ang pagkansela o pagpapaliban sa prestihiyosong sporting event, na bubuksan na sa Hulyo 24.
Inihayag din ni Pound na wala pa rin daw nangyayaring diskusyon sa kanilang hanay tungkol sa posibleng kanselasyon ng mga laro dahil sa outbreak.
Iginiit naman ng opisyal na saka lamang sila maglalabas ng anumang pasya tungkol sa Olympics kung abisuhan na sila ng World Health Organization at ng iba pang lupon.
“The IOC and the Tokyo organisers would not cancel or postpone or do anything else regarding the games absent some very serious and specific admonitions or regulations stemming from the WHO or the appropriate regulatory authorities,” ani Pound.
Wala rin aniyang timetable kung kailan magdedesisyon ang IOC tungkol sa kapalaran ng Tokyo Games.
Una rito, sinabi ni Pound na mayroon pa raw tatlong buwan para makapag-isip ang Tokyo 2020 organizing committee kung itutuloy pa ba o hindi ang palaro. (AFP)