Nakahinga ng maluwag ang International Olympic Committee (IOC) na tuloy pa rin ang pagtungo ng mga atleta sa China kahit nagdeklara ng diplomatic boycott ang ilang mga bansa sa nalalapit na Winter Olympics sa Beijing.
Una nang hayagang kinumpirma ng Amerika, United Kingdom, Australia at Canada na hindi sila magpapadala ng mga top officials at mga diplomats sa Winter Olympics.
Sinasabing ang Japan ay tinitimbang din kung susunod na rin na magsasagawa ng pagboykot bilang bahagi nang pagkondena sa umano’y human right abuses ng China.
Mistula namang minaliit ni IOC President Thomas Bach ang diplomatic boycott dahil ang mas mahalaga umano ay ang partisipasyon ng mga atleta sa Olympic Games.
Ayon kay Bach, ang pagbibigay diin ng nabanggit na mga bansa na suportado nila ang mga kanilang mga atleta sa pagsabak sa Winter Olympics ay magiging hudyat na hindi masasayang ang kanilang matagal na panahon na pinaghirapang pagsasanay at mailayo ang Olympiyada sa pamumulitika.
“This is giving the athletes certainty and this is what the IOC is about,” ani Bach sa video conference.