-- Advertisements --

LEGAZPI CITY — Umaasa si Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Board Member Sandra Cam na hindi isang militar o dating military official ang mailalagay sa nabakanteng posisyon ni PCSO General Manager Alexander Balutan.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Cam, dapat isang lider na may puso para sa mga mahihirap ang humawak ng posisyon upang hindi ma-militarize gaya nang nangyari sa tinanggal na si Balutan.

Paliwanag ni Cam, patuloy umanong bumababa ang revenue ng ahensya dahil sa hindi masingil-singil ni Balutan ang mga mistah na binigyan ng prangkisa upang makapag-operate Authorized Agenct Corporation (AAC).

Ang revenue ng ahensya ay dapat nakukuha sana sa Small Town Lottery (STL) operations.

Dagdag pa ng opisyal na karaniwang mga mistah nito ang binibigyan ng prangkisa na hindi naman nakakapagbayad kung kaya nauuwi sa maraming “shortfall” sa kita.

Matatandaang dating Marine general si Balutan at miyembro ng Philippine Military Academy Class of 1983 na na-appoint bilang PCSO general manager noong Setyembre 2016.

Pinatotohanan naman ni Cam ang mga alegasyon ng umano’y nangyayaring subcontracting, kung saan iba ang nakikipag-bid habang inaalok sa ibang financier.