Nakadepende na umano sa mga local government units (LGUs) sa Metro Manila ang mga penalty o parusa na kanilang ipatutupad sa mga lalabag sa curfew.
Ito ay kahit na nagkasundo ang mga alkalde sa Kalakhang Maynila na magpatupad ng iisang curfew sa buong rehiyon mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng umaga.
Ayon kay Marikina City Mayor Marcelino Teodoro, bahala na raw ang city o municipal councils ng bawat LGUs na magpasya kung anong parusa ang kanilang ipapataw sa mga pasaway.
Gaya aniya sa Marikina, hindi raw sila magpapataw ng multa lalo na’t marami ang nakararanas ng problemang pinansyal sa kanyang nasasakupan dahil sa pandemya.
Magpapatupad na lamang aniya sila ng mga alternatibong penalty gaya ng community service o padaluhin ang mga lumabag na indibidwal sa isang briefing o orientation sa kahalagahan ng pagsunod sa minimum public health standard.
Una rito, ipinaliwanag ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairperson Benhur Abalos na isa ang curfew sa mga hakbang na napagkasunduan ng mga alkalde, maliban sa pinaigting na testing at contact tracing.