-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Ang pamahalaang panlalawigan ng Cotabato sa liderato ni Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza ay nagsagawa ng house-to-house inspection at consultative meeting sa pamamagitan ng Integrated Provincial Health Office (IPHO) sa pangunguna ni Supervising Sanitation Inspector Emelinda T. Diesto sa Barangay Malapag ng Carmen at sa Barangay Kitacubong ng Alamada Cotabato.

Ang nasabing hakbang ay bilang pagtalima sa Administrative Order 2010-0021 ng Department of Health (DOH) na “Sustainable Sanitation as a National Policy and a National Priority Program of the DOH” at naglalayong makamit ang Zero Open Defecation (ZOD) status at universal access tungo sa ligtas at sapat na sanitary facility o palikuran sa pagsapit ng taong 2028.

Katuwang ang Rural Health Unit (RHU), representante ng Municipal Health Office, Barangay Health Workers (BHWs), Barangay Council at purok leaders ng barangay at iba pang ahensya ng pamahalaan, tinungo ng grupo ang mga kabahayan sa nabanggit na mga lugar at sinuri batay sa pisikal na istruktura at lokasyon ng palikuran upang masiguro na ito ay ligtas, at may maayos at tamang paraan ng pagtatapon ng basura alinsunod sa pamantayan ng DOH.

Kasunod sa ginawang inspeksyon ay ang consultative meeting kung saan tinalakay nila ang mga isyu at rekomendasyon para sa pagpapatupad ng nasabing programa sa kani-kanilang mga lugar at mapabilang sa ZOD status ang mga nasabing barangay at madeklarang kauna-unahang ZOD barangay ang Brgy. Malapag sa bayan ng Carmen.

Nagpapasalamat naman si Malapag Brgy. Captain Domingo V. Badoy at Kitacubong Brgy. Captian Nelson B. Palomero sa walang sawang supporta ng pamahalaang panlalawigan lalong lalo na kay Governor Mendoza sa mga programa nito.