NAGA CITY- Pinasinungalingan ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Partylist ang sinasabi ng Department of Education (DepEd) na 100% kahandaan para sa pagbubukas ng school year 2020-2021 sa kabila ng COVID-19 pandemic.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay ACT Representative France Castro, sinabi nito na mismong mga guro ang nagpo-provide ng mga module para sa kanilang mga estudyante para makasabay lamang sa itinakda ng DepEd na pagsisimula ng pasukan.
Aniya, hindi naman kasi nakarating sa tamang oras ang mga module mula sa DepEd, pati na ang iba pang kinakailangan.
Sa kabila nito, kaugnay naman ng distant learning, isa rin sa nagiging problema ay ang mahinang signal ng internet sa bansa gayundin ang budget ng mga guro para sa kanilang pag-load lalo na kung may mga ikokonsulta ang mga estudyante maging ang magulang kung saan kinakailangan ang internet.
Ayon pa kay Castro, hindi naman sapat ang allocated fund para sa DepEd lalo na para sa bagong learning modalities.
Samantala, sa kabila ng mga nakikitang problema, imposible na rin aniyang muling iurong ang pagbubukas na pasukan.