-- Advertisements --

Hindi gaanong nababahala si House Ways and Means Committee Chairman at Albay Representative Joey Salceda sa ipinataw na taripa para sa mga ini-export na produkto ng Pilipinas patungo sa Estados Unidos.

Ayon kay Salceda, karapatan ng isang malayang bansa kung ano ang gusto nilang ipatupad na trade policy.

Paliwanag ng ekonomistang mambabatas, kung titignan din aniya, mas mababa ang 17% na taripang ipinataw sa Pilipinas, kumpara sa mga kakumpetisyon nating bansa kaya mayroon pa rin aniyang oportunidad para sa ating panig.

Sinabi ni Salceda na siya ay nasurpresa sa mababang taripa na ipinataw ng US sa Pilipinas.

” I’m frankly surprised the tariffs rates imposed on us turned out lower than I expected. Among our competitors, the Philippines was imposed relatively lower retaliatory tariffs, so there are, possibly, some opportunities to explore,” pahayag ni Salceda.

Gayunpaman pinayuhan ni Salceda ang Department of Trade and Industry (DTI) na magkaroon ng komprehensibong estratehiya sa posibleng epekto nito sa ating ekonomiya, partikular sa textile at footwear sector.

Kabilang aniya sa mga maaaring tulong ang ayuda, job retraining at unemployment assistance sakaling may mawalan ng trabaho sa naturang mga sektor.

Tinukoy naman ng economist solon na ang pinaka hamon para sa pagiging competitive ng Philippine export ay hindi ang taripa bagkus ay ang mataas na singil sa kuryente at pagtatayo ng negosyo sa bansa.

Ito aniya ang isa sa mga insentibo na tinugunan ng CREATE MORE Act ngunit kailangan pa gumawa ng pinaghusay na hakbang para ito ay masolusyunan.