-- Advertisements --

Simula sa taong 2022 ay mas tataas na ang tatanggaping “ust share” o internal revenue allotment (IRA) ng mga local government units (LGU’s) mula sa bahagi ng kita ng gobyerno.

Ito ay matapos pagtibayin ng Korte Suprema sa botong 8-3 ang desisyon nito noong Hulyo 2018 na nagdideklarang dapat ibatay sa lahat ng nakukolektang national taxes ng pamahalaan ang bahagi na dapat tanggapin ng mga LGUs at
hindi lang sa national internal revenue taxes na nakukolekta ng Bureu of Internal Revenue (BIR).

Ibinasura ng Supreme Court (SC) ang motion for reconsideration ng Office of the Solicitor General (OSG) na nagsasabing nagkamali ang Korte Suprema sa pagpapalawak sa batayan ng IRA ng mga LGUs.

Nilinaw ng SC na ang adjusted amount ng IRA ng mga LGU’s ay magiging epektibo lamang matapos ang pinal na ruling ng hukuman.

Dahil dito, inihayag ng Korte Suprema na magsisimula ang pagbabago sa tatanggaping IRA ng mga LGU’s sa 2022 budget cycle.

Ang desisyon ng kataas-taasang hukuman ay bahagyang pumapabor sa petisyong inihain ni dating congressman at ngayon ay Batangas Governor Hermilando Mandanas na kumukwestiyon sa maling alokasyon ng IRA funds para sa mga LGU’s.