Binitay ng Iran ang isang dating empleyado ng defense ministry dahil sa umano’y pagiging espiya nito para sa Estados Unidos.
Naganap ito kasunod ng lumalalang tensyon sa pagitan ng Washington at ng Tehran.
Sa ulat ng state media, hinatulan ng military court si Jalal Hajizavar makaraang masabat sa kanyang tahanan ang ilang mga spying equipment at mga dokumento.
Sinasabing nagtrabaho raw ito bilang isang contractor para sa aerospace organization ng defense ministry ngunit nagbitiw ito siyam na taon na ang nakaraan.
Ilang araw na ang nakalilipas nang bitayin daw ito sa Rajaishahr prison sa Karaj, malapit sa kabisera ng bansa.
Ayon pa sa report, inamin daw nito na talagang naging espiya ito para sa Central Intelligence Agency kapalit ng pera.
Ang dati naman nitong asawa ay nakulong ng 15 taon dahil din sa kasong espionage.
Nitong nakaraang linggo nang sabihin ng Iran na kanila raw nilansag ang isang espionage network na may ugnayan sa CIA, at nadakip din ang ilang mga espiya.
Ngunit hindi pa malinaw kung may kaugnayan ito sa pagkakabitay kay Hajizavar. (BBC)