Bukas ang Iran na palayain ang lahat ng crew members ng kinumpiskang ST Nikolas sa oras na dumating na ang kanilang kapalit na magbabantay sa barko ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Nananatili pa kasi sa barko ang nasa 17 mula sa 19 na orihinal na crew members na sakay ng St Nikolas matapos palayain ang isang Pilipino at Greek cadet noong Enero at unang bahagi ng Pebrero.
Paliwanag ni DFA USec. Eduardo de Vega na kahit na nakadaong lang ang barko dapat na mayroon pa ring nakaistasyon na tripulante.
Sinabi din ng DFA official na legal na pagkumpiska ang ginawa ayon sa mga awtoridad ng Iran base na rin sa court order ng naturang bansa kayat ang trato sa mga crew ay hindi mga bihag kundi parang empleyado pa rin ng agency.
Para naman sa sahod ng crew na nagbabantay sa naturang barko, dinoble ng concerned manning agency ang kanilang mga sahod.
Ayon pa kay USec. De Vega, ang pinalayang isang Pilipino ay hindi tinanggp ang dobleng sahod habang ang 10 Pinoy pa ay inaasahang makakauwi na sa Pilipinas sa lalong madaling panahon kasabay ng pagpaso na ng kanilang mga kontrata sa loob ng isang buwan.
Mananatili naman aniya ang ST Nikolas sa kustodiya ng Iran hanggang magpasya ang korte ng Iran kung ano ang gagawin dito.
Una rito,noong Enero 11, 2024, nangyari ang hijacking sa ST Nikolas kung saan 18 Pilipino at 1 Greek crew member ang lulan nito. Ang pag-hijack umano ng Iran sa naturang cargo ship ay bilang ganti sa ginawang pagkumpiska ng US sa crude oil ng Iran noong 2022.