Iginiit ng gobyerno ng Iran na handa raw silang kontrahin ang anumang mga banta o pagsalakay sa kanilang nasasakupan.
Kaugnay pa rin ito sa tumitinding tensyon sa pagitan ng Iran at Estados Unidos na nag-ugat sa pagpapabagsak ng drone ng Amerika noong nakaraang linggo.
Ayon kay Iranian Foreign Ministry spokesman Seyyed Abbas Mousavi, pinupuri nito ang Islamic Revolutionary Guard Corps sa pagpapatumba sa unmanned US aircraft.
“Regardless of any decision they (US officials) make, we will not allow the Islamic Republic’s territory to be violated,” wika ni Mousavi. “Our decisions do not hinge on their decisions, and we will counter any aggression whether it mingles with threats or not.”
Binalaan din ng Iran ang Estados Unidos na huwag magsagawa ng military action dahil anumang pag-atake ay hindi raw nila uurungan.
Muling iginiit ni Iranian armed forces spokesman, Brig. Gen. Abolfazl Shekarchi na hindi kailanman mauunang sumalakay ang Iran ngunit huwag daw uudyukan.
Samantala, sinabi naman ni US President Donald Trump na magpapataw umano ng karagdagang mga sanctions ang Estados Unidos sa Iran upang pigilan ang mga ito na magkaroon ng mga nuclear weapons.
Mananatili raw ang economic pressure hangga’t hindi nagbabago ang isip ng Tehran. (CNN/ BBC)