Todo tanggi ang Iran sa ulat na may napatay umanong pinuno ng militanteng grupong al-Qaeda sa kanilang kabisera na Tehran noong Agosto.
Una rito, batay sa ulat mula sa New York Times, binaril ng dalawang Israeli agents, kasunod ng request mula sa Estados Unidos, ang itinuturing na second-in-command ng al-Qaeda na si Abdullah Ahmed Abdullah noong Agosto 7.
Maliban kay Abdullah na kilala rin sa kanyang alyas na Abu Muhammad al-Masri, kasama din umano sa pinatay ang kanyang anak na babae.
Sinubukan din aniyang itago ng Iran ang pagkamatay ni al-Masri sa pamamagitan ng paglarawan sa mga biktima bilang isang Lebanese history professor at kanyang anak.
Pero ayon sa Iran, wala aniyang mga al-Qaeda “terrorists” ang kasalukuyang naninirahan sa kanilang bansa.
“From time to time, Washington and Tel Aviv try to tie Iran to such groups by lying and leaking false information to the media in order to avoid responsibility for the criminal activities of this group and other terrorist groups in the region,” saad sa pahayag ng foreign ministry ng Iran.
Si Abdullah ang inaakusahang nagplano ng nangyaring pagsalakay sa mga embahada ng Amerika sa Africa noong 1998. (BBC)