Mariing kinondena ng Iran ang paghuli ng Gibraltar sa Grace 1 oil tanker matapos mapag-alaman ng mga otoridad na may dala itong krudo patungong Syria.
Kaagad na pinatawag ng Iran foreign ministry ang British ambassador sa Tehran upang ipaabot ang hindi nila pagtanggap sa di-umano’y iligal at hindi katanggap-tanggap na paghuli sa pagmamay-ari nitong oil tanker.
Sa inilabas na pahayag ng Iran foreign ministry, nanawagan ito na palayain na ang oil tanker dahil nabatid ng mga ito na United States mismo ang nag-utos sa Gibraltar officials na hulihin ang kanilang barko.
Ikinatuwa naman ni White House national security adviser John Bolton ang pagkakahuli sa supertanker.
Taong 2011 nang ipagbawal ng European Union ang oil shipments patungong Syria.
Ito rin ang kauna-unahang beses na agresibong gumalaw ang European Union upang masigurado na walang kahit anong bansa na lalabag sa ipinataw nitong sanctions.
Samantala, nagkaroon na ng kasunduan sa pagitan ng pamahalaan ng Sudan at opposition groups hinggil sa pagkakarron ng hatian sa kapangyarihan habang isinasagawa pa ang transition period hanggang sa susunod na eleksyon.