-- Advertisements --

Hinimok ngayon ni Iranian President Hassan Rouhani ang mga mamamayan sa kanilang bansa na tumalima sa mga health protocols para sa nalalapit na Muslim festivities.

Pahayag ito ni Rouhani kasunod ng babala ng isang health official na may naitala silang pagtaas ng coronavirus infections sa isang malaking siyudad.

Sa katapusan kasi ng buwan ay magsisimula ang kapistahan para sa Eid al-Adha, na inaasahang gugunitain ng mga Muslim sa buong mundo.

Karamihan din sa mga taga-Iran ay mga Shi’ite Muslims.

“Let glorious festivities be held in mosques and religious centers by observing health protocols and social distancing,” wika ni Rouhani sa isang televised speech.

“Let [face] masks this year be part of the glorious mourning of Muharram,” dagdag ni Rouhani, na tumutukoy sa Ashura, ang ika-10 araw ng lunar month ng Muharram, kung saan batay sa tradisyong Islam, sa nasabing panahon napatay sa labanan si Imam Hussein noong 680.

Isa sa mga ritual tuwing Eid al-Adha ay ang pagpatay sa tupa bilang sakripisyo at pagbibigay nito sa mga mahihirap.

Kaya naman hinikayat ng mga Iranian health officials ang mga mananampalataya na i-package muna ang karne bago ipamahagi.

Sinabi naman ni Deputy Health Minister Iraj Harirchi, huwag daw munang bibisita sa holy city ng Mashad, kung saan tumaas umano ng 300% ang mga kaso ng coronavirus sa loob ng isang buwan.

Milyun-milyon din kasi ang karaniwang bumubisita sa Imam Reza shrine sa Mashad, na pinakamalaking Shi’ite religious complex sa Iran.

Sa pinakahuling datos, nasa 288,839 na ang coronavirus cases sa Iran, kung saan may 15,485 deaths. (Reuters)