Nabigyan na ng refugee status ang Iranian beauty queen matapos ang mahigit dalawang linggong pananatili sa paliparan ng bansa.
Si Bahareh Zare Bahari, na pambato ng Iran sa Miss Intercontinental 2018 pageant, ay labis umano ang pangamba sa kaniyang buhay matapos na mailagay ang pangalan nito sa red-notice ng International Criminal Police Organization (Interpol).
Kinakatakutan daw nito na kapag umuwi siya sa kaniyang bansa ay baka ikulong siya o kaya ay maaaring mapatay pa dahil sa kasong pananakit sa kapwa na nangyari noong nakaraang taon.
Ang naturang kaso ay itinanggi na rin ni Bahari.
Kaugnay nito, sinasabing binigyang halaga ng DOJ at ng Bureau of Immigration ang bigat ng mga kadahilanan ng dayuhan upang pagbigyan ang hiling na magkaroon ng refugee status sa bansa.
Magugunitang noong nakaraang buwan ay pinigil sa Ninoy International Airport ang 31-anyos na beauty queen pagkagaling nito sa Dubai dahil sa red notice mula sa International Criminal Police Organization.