VIGAN CITY – Pinabulaanan ng isang Iranian national ang mga lumalabas na balita na malala na ang gulong nararanasan nila sa kanilang bansa dahil sa tensyon sa pagitan ng Iran at Amerika.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Dr. Reza Masoudi na mula sa Hamadan, Iran, sinabi nito na hindi umano totoong mapanganib sa kanilang bansa dahil sa pamamagitan ng pagtutulungan ng kanilang mga opisyal na hindi nila hahayaang maging magulo ang kanilang mga nasasakupan.
Ito ay sa kabila ng pagkamatay ng kanilang top military official na si Qasem Soleimani.
Maliban diyan, sinabi rin ni Masoudi na maligaya at payapa ang kanilang pamumuhay sa ngayon at ipanasisiguro rin niya na ang mga Pilipinong naninirahan at nagtatrabaho sa nasabing bansa ay ligtas at masaya ang pakikitungo ng mga ito sa katulad nilang mga Iranian.