Hinuli ng mga otoridad sa Gibraltar ang isang Iranian oil tanker na hinihinalang may laman na krudo papuntang Syria.
Ayon sa mga otoridad, malinaw daw na lumabag sa ipinataw na sanction ng European Union ang nasabing oil tanker.
Ito ang kauna-unahang beses na kumilos ang EU upang masigurado na hindi masisira ng kahit sino ang kanilang ipinataw na parusa.
Katuwang ang British Royal Marines, hinarang ng mga otoridad ang barkong Grace 1 sa Mediterranean sea kung saan kaagad na inimpound ang tanker.
Ayon kay Gibraltar Chief Minister Fabian Piccardo, marami umano silang rason upang masigurado na may dalang krudo ang Grace 1 na dapat sana ay papasok sa Banyas refinery sa Syria.
Saad bnaman ni Spain foreign minister Josep Borrell na United States mismo ang nakiusap sa Gibraltar na hulihin ang oil tanker.
Hindi naman nagbigay pa ng karagdagang detalye si White House national security adviser John Bolton kung totoo nga ito ngunit bukas palad daw ang White House na makipagtulungan sa kanilang mga ka-alyadong bansa upang mapigilan ang Syria at Iran mula sa “illicit trade.”