Nakaalis na sa Gibraltar ang Iranian oil tanker na dinakip ng Royal British Navy noong nakarang buwan.
Ginawa ang pagpapalayang ito matapos tanggihan ng nasabing bansa ang utos ng United States na ikulong muli ang barko. Base sa Marine Traffic monitoring website, tuluyan nang naglayag sa Timog ng Gibraltar ang nasabing supertanker.
Dinakip ng Gibraltar noong Hulyo ang Grace 1 oil tanker na pinagsususpetyahang iligal na magdadala ng langis patungong Syria. Ito ay paglabag umano sa ipinataw na parusa ng European Union sa Iran.
Makailang ulit naman na itinanggi ng Iran ang mga paratang laban sa kanila.
Noong Huwebes nang ipag-utos naman ng isang hukom sa Gibraltar ang pagpapalaya sa Grace 1 oil tanker na kalaunan ay pinalitan na ng ibang pangalan.
Ngunit sinubukang harangin ang desisyong ito ng US matapos nitong maghain ng last-minute request upang iditine muli ang barko.
Nauwi sa pagpapalaya ang desisyon ng Gibraltar matapos umanong siguraduhin ng Iran na hindi na muling maglalayag ang kanilang barko sa mga bansa na ipinagbawal ng EU sanctions.
Subalit, tinaliwas ito ng Iran at sinabing wala silang binitawan na kahit anong pangako upang masiguro lamang ang pagpapalaya sa kanilang barko.
Nagbanta naman ang US State department na maglalabas ito ng visa ban sa mga crew na nagtatrabaho sa naturang oil tanker.