Pinasinungalingan ni Iranian Foreign Minister Mohammad Javad Zarif ang paratang ng Britain laban sa Iran.
Ito ay kaugnay ng di-umano’y tangkang pagdakip ng naturang bansa sa isang British oil tanker sa Strait of Hormuz.
Ayon kay Zarif, wala raw kwenta ang inilabas na pahayag ng Britanya laban sa Iran. Aniya, nais lang umano nito na mas palalain pa ang tensyon sa pagitan ng Iran at Estados Unidos.
Una rito ay pinasaringan na ni US President Donald Trump ang Iran hinggil sa ginawa nitong pagtaas ng hangang 20% sa kanilang uranium enrichment na taliwas sa nilagdaan nitong 2015 nuclear deal.
Tinawag naman ni Iranian President Hassan Rouhani na duwag ang United Kingdom dahil sa paggamit umano nito ng Royal Navy warships upang gawing escort para sa British tanker.
Dahil dito ay mas lalong nagkalamat ang relasyon ng UK at Iran matapos ang binitawang pahayag ng Britain na Iran ang responsable sa pag-atake sa dalawang oil tanker noong Hunyo.