Nakuha ni Irha Mel Alfeche ng Matanao, Davao del Sur ang Miss Philippines Earth crown sa ginanap na seremonya nitong Sabado ng gabi sa Bukidnon.
Inilipat ni Yllana Marie Aduana ang korona kay Alfeche, bilang bahagi ng customary procedure.
Kasama rin sa event sina 2023 Miss Earth Drita Ziri mula sa Albania, Miss Earth-Water Do Thi Lan Ahn mula sa Vietnam, at Miss Earth-Fire Cora Bliault mula sa Thailand.
Nabatid na umabot sa international competition si Aduana, kung saan nakamit niya ang Miss Earth-Air.
Tinalo naman ng bagong reyna ang 28 iba pang mga aspirante sa panghuling kompetisyon.
Bago ito, may mga auxiliary events nang ginanap sa bayan ng Malitbog at sa Iligan City, gayundin sa iba pang parte ng Mindanao.
Bukod sa pangunahing nagwagi, apat na bagong “elemental” na reyna din ang kinoronahan—Miss Philippines-Air Feliz Recentes ng Sindangan, Zamboanga del Norte; Miss Philippines-Water Samantha Bug-os mula sa Baco, Oriental Mindoro; Miss Philippines-Fire Kia Labiano from Titay, Zamboanga Sibugay; at, Miss Philippines Ecotourism Ira Patricia Malaluan mula sa Batangas City.
Kakatawanin ni Alfeche ang Pilipinas sa 24th Miss Earth pageant na gaganapin sa Vietnam sa huling bahagi ng taong ito, at susubukan na maging ikalimang Pinay na makakapag-uwi ng international title.
Ang Pilipinas ang nangungunang bansa sa Miss Earth pageant na may apat na nanalo—Karla Henry noong 2008, Jamie Herrell noong 2014, Angelia Ong noong 2015, at Karen Ibasco noong 2017.
Ang Miss Philippines Earth at Miss Earth pageants ay itinatag ng Manila-based Carousel Productions para magsilbing plataporma para sa environmental awareness.