NAGA CITY – Tinatayang nasa P50 million ang naging pinsala ng bagyong Bising sa National Irrigation Administration (NIA-Bicol).
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Ed Yu, tagapagsalita ng naturang ahensiya, sinabi nito na mahigit 180 hectares aniya ang kabuuang area na naapektuhan dahil sa naturang bagyo kung saan ang lalawigan ng Camarines Sur ang mayroong pinakamalaking pinsala.
Dagdag pa nito, kasali ang nasa 615 meters na canal, tatlong canal structures, 470 meters ng protection dikes at tatlong dam ang nasira kung saan nasa 400 na mga magsasaka ang labis na naapektuhan.
Ayon kay Yu, posible umanong hindi agad mapatubigan ang mga lugar na labis na naapektuhan ang irigasyon sa darating na taniman.
Sa kabila nito, tiniyak naman ng naturang opisyal na gagawin ng kanilang ahensiya ang lahat para agad na maayos ang mga nasira sa irigasyon dulot ng nasabing bagyo.
Samantala, mas kaunti umano ang naturang pinsala dahil kay bagyong Bising kung ikukumpara sa nagdaang tatlong magkakasunod na bagyo nang nakaraang taon.
Sa ngayon, umaasa na lamang si Yu na agad ding mabibigyan ng pondo ang pagpapaayos ng naturang mga istruktura para mas mapadali ang pagbabalik serbisyo ng mga ito.