Pumanaw na ang Irish singer na si Sinead O’Connor sa edad 56.
Kinumpirma ito ng kaniyang pamilya subalit hindi na binanggit ang sanhi ng kanyang kamatayan.
Noong nakaraang buwan ay lumipat ng tirahan ang singer sa London matapos ang 23 taon.
Mayroon aniya itong tinatapos na album na nakatakda sana niyang ilabas sa susunod na buwan.
Sa kaniyang social media account ay ibinahagi niya ang planong concert tours sa Australia, New Zealand at ilang bahagi ng Europa sa 2024 at sa US naman sa 2025.
Naging bukas ang singer sa paglaban nito sa kaniyang mental illness na kaniyang nadanas noong ito ay bata matapos na maghiwalay ang kaniyang magulang.
Taong 1987 ng maging nominado ito sa Grammy bilang best female vocal rock performance ng ilabas ang unang album niyang “The Lion and The Cobra”.
Lalong nakilala ang singer sa paglabas ng ikalawang album niya na “I Do Not Want I Haven’t Got” kung saan kasama ang sumikat na kanta nitong “Nothing Compares 2 U” na sinulat ng singer na si Prince.
Ang nasabing kanta ay naging number 1 sa iba’t-ibang mga bansa at nanatili ng number 1 sa Ireland ng 11 linggo.
Nagwagi ang nasabing album ng best alternative music performance sa Grammy at Video of the Year ng MTV Video Awards.
Taong 2021 ng ianunsiyo niya ang kaniyang retirement sa pagkanta at pumasok siya sa one year trauma and addiction program.
Labis itong nagluksa ng pumanaw ang 17-anyos na anak na si Shane noong Enero 2022 matapos na magpakamatay.