Sinisiguro ng mga tagapagtaguyod ng Ironman 70.3 triathlon ang kapanapanabik at maaksyong karera na hatid naman ng mga atleta mula sa 46 na mga bansa na magpapagalingan, magpapalakasan, at magpapatagalan sa 1.9 kilometer swim- 90 kilometer bike – 21 kilometer run distance na karera ngayong Marso 26 na siyang gaganapin dito sa Davao City.
Ayon kay Neville Manaois, Ironman race director, maigting nilang pinaghahandaan ang parehong ruta na dadaanang ng mga atleta.
Bagama’t may mga kaunting pagbabago sa ruta, sinisiguro ng mga organizers na naghihintay pa rin sa kanila ang mga hamon na kanilang haharapin tulad ng mainit na klima, at mapanghamong mga daan.
Ito na ang ikatlong pagkakataon na isinagawa dito sa Davao City ang Ironman, at unang pagkakataon na paglulunsad nito matapos ang pagkaantala nito lulan ng pandemya.
Mangunguna sa karera ang nasa 18 mga atleta mula sa iba’t ibang panig ng daigdig, tulad nila Filipe Azevedo ng Portugal, Matthew Tonge at Nick Carling ng Australia, Tuan Chun Chang ng Taiwan, at Lottie Lucas ng Team United Arab Emirates.
Inaabangan din ang partisipasyon ng mga kilalang personalidad sa Pilipinas na sasabak sa pinakamalaking triathlon event sa mundo.
Samantala, bilang pag-obserba sa naturang karera, ipinapatupad na ni Davao City Mayor Baste Duterte ang kautusan para sa temporaryong road closure na sakop ang mga daang pa-southbound mula Azuela Cove Lanang patungong Lasang na boundary ng Davao City at Panabo City, Davao del Norte mula alas-3 ng madaling araw hanggang alas-10:30 ng umaga.
Habang sarado naman ang daang northbound mula kahabaan ng Lanang patungong J.P. Laurel Avenue at F. Torres St. hanggang Azuela Cove mula alas-3 ng madaling araw hanggang alas-3:30 ng hapon para sa run course ng karera.