-- Advertisements --

Nakompleto na ang tinaguriang big three ng Brooklyn Nets.

Nakabalik na rin si Kyrie Irving makalipas ang pitong games na bigong makalaro pero’ di pa rin umubra ang Brooklyn sa Cleveland Cavaliers, 147-135 sa overtime game.

Nagkasama na rin sina Irving, Kevin Durant at ang bagong miyembro ng team na James Harden.

Umiskor si Irving ng 35 points, si Durant ay may team high 38 points, habang si Harden ay umeksena sa kanyang panibagong triple double na may 21 points, 12 assists at 10 rebounds.

Gayunman walang sagot ang Nets sa init ng kamay ni Collin Sexton na kumamada ng career-high na 42-points para sa ikapitong panalo ng Cavs.

Aminado naman ang Nets (9-7) na nangangapa pa sila kung papaano epektibong mapapagana ng husto ang teamwork ng kanilang tatlong big stars.

Ang dalawang teams ay muling magsasalpukan sa Sabado.