Tiniyak ng Intelligence Service ng Armed Forces of the Philippines na nababantayan ang mga itinuturing na backdoor channel ng bansa laban sa posibleng pagpasok ng mga terorista o mga dayuhan.
Sa pagdinig na ginawa ng Senate Committee on Public Services at Justice and Human Rights, naungkat ang umano’y mabilis lamang na pagkakapuslit ng ilang mga residente mula Pilipinas patungo sa Malaysia at posibleng iba pang mga Southeast Asian nation na malapit sa Mindanao.
Naglabas din ang komite ng isang testigo na nagpatotoo ukol sa mabilis na pagkakapuslit ng bansa gamit ang backdoor corridor.
Dahil dito, tinanong ni Committee Chair Sen. Raffy Tulfo ang ISAFP kung namomonitor ba ito ng kasundaluhan.
Sagot naman ni IS-AFP Major Emilly Sala, binabantayan din ng mga unit ng AFP ang mga backdoor channel. Sa katunayan aniya, hindi lamang ang mga katubigan ng Mindanao kung di ang iba pang itinuturing na strategic area sa bansa.
Tiniyak din ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) ang tuluy-tuloy na pagtutok ng mga regional office nito sa mga backdoor channel.
Ayon kay Atty. Mery Mae Arcilla ng NICA, regular ang ginagawa ng ahensiya na intelligence gathering sa mga naturang lugar bilang bahagi ng kanilang tungkulin sa intelligence commmunity.