LAOAG CITY – Isa ang patay habang sampu ang sugatan matapos araruhin ng kotse na minaneho ng isang pulis ang tatlong kasunod na sasakyan sa kahabaan ng Sarat Bridge, bisinidad ng Barangay 20, Sarrat.
Sinabi ni PMaj. Jephre Taccad, tagapagsalita ng Ilocos Norte Police Provincial Office na ang pulis ay nakadestino sa Municipal Station ng Piddig at naninirahan sa bayan ng Dingras.
Aniya, sa imbestigasyon ng mga otoridad sa insidente, pauwi na ang pulis at patungong silangang direksyon ng bigla nitong araruhin ang tatlo nitong kasunod na behikulo.
Ipinaalam nito na kabilang dito ang isang kulong-kulong, kung saan nakasakay ang apat na tao mula sa Barangay Lydia, Marcos; motorsiklo na may tatlong sakay, at ang tricycle kung saan may tatlo rin itong sakay na kinabibilangan ng namatay na nakilalang si Magdalena Susa, 44-anyos at nagmula sa Barangay Root, Dingras.
Ipinaalam ni Taccad na dahil sa impact ng aksidente ay sugatan lahat ng mga nakasakay sa mga behikulo ngunit ng madala ang mga ito sa Dingras District Hospital ay naideklara na dead on arrival si Susa.
Samantala, sinabi ni Taccad na ang suspek na pulis ay naka-off duty ng mangyari ang insidente at nasa impluwensya ng alak.
Inpinasigurado naman nito na walang mangyayaring cover-up at maipapataw lahat ng karampatang kaso kontra sa pulis.