DAVAO CITY – Gumuho ang isang bahagi ng bundok sa Barangay Don Salvador Lopez, Mati City, ito ay matapos ang naranasang dalawang araw na pag-ulan.
Ayon sa Mati CIO, pasado alas 11 ng umaga nang mangyari ang landslide sa Purok Sangay sa nasabing Barangay, na nagresulta sa pagka-isolate ngayon sa pitong purok na kinabibilangan ng Prk. Upper Cangusan, Prk. Lower Cangusan, Prk. Proper Cangusan, Prk. Tabon- tabon, Prk. New Camotes, Prk. Sta. Cruz at Prk. Biasong sakop ng Brgy. Don Salvador Lopez.
Una ng nakatanggap ang Mati City Disaster Risk Reduction Management Office ng report mula sa mga residente na may apat katao na natabunan ng gumuhong lupa, tatlo umano sa mga ito ay magpamilya na dumaan sakay sa motorsiklo habang ang isa naman ay nangisda lamang sa creek na malapit sa pinangyarihan.
Pasado alas 5:38 sa hapon sinimulan ng otoridad ang paghahanap sa mga biktima at bandang alas 6:04 kanina ay narekober ang bangkay ng isang lalaki na hindi pa kilala.
Sa ngayon ay pansamantalang itinigil muna ang retrieval operation at ipagpapatuloy ito bukas ng alas 7 ng umaga.