-- Advertisements --

Isa kritikal, higit 10 sugatan matapos inararo ng bus ang 13 mga sasakyan sa lalawigan ng Iloilo

ILOILO CITY- Isa ang kritikal at 13 ang sugatan matapos inararo ng isang bus na may byaheng Tapaz, Capiz- Iloilo City and vice versa ang 13 mga sasakyan na pumaparada sa Barangay Gines, Janiuay, Iloilo.

Ang kritikal ay kinilalang si Christian Alutaya, 23, residente ng Barangay Matag-ub ng nasabing bayan, driver ng motorsiklo na may side car habang sugatan rin ang sakay nito.

Ang ibang 12 na mga sugatan ay dinala sa Federico Roman Tirador Sr. Memorial District Hospital sa nasabing bayan na nakatamo ng minor injuries.

Ang driver naman ng bus ay si Jay-R Yco, 38, residente ng Ajuy, Iloilo at kasalukuyang nasa kustodiya ng Janiuay Municipal Police Station.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Captain Alwin Salmon, chief of police ng Janiuay Municipal Police Station, sinabi nito na mula sa Iloilo City ang bus at papuntang Capiz.

Nawalan ng preno ang bus nang dumating sa pababang daan kung kaya’t inararo ang iba’t-ibang mga sasakyan na nakaparada sa tabi ng daan.

Sa ngayon, walang may na-record na namatay sa nasabing insidente.