BAGUIO CITY – Ipinag-utos na ni Mayor Benjamin Magalong ang pag-lockdown sa Barangay San Vicente sa lunsod ng Baguio dahil sa tahasang pagsaway ng ilang residente sa alituntunin ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Ayon sa alkalde, naobserbaran ang paulit-ulit na paglabag ng mga residente sa ECQ tulad na lamang ng paglalakad-lakad ng mga ito sa labas ng kani-kanilang mga tahanan at hindi sila gumagamit ng face mask gayundin ang hindi pag-obserba sa physical distancing.
Sinabi ng alkalde na magtatagal ang lockdown hanggang sa may ilabas itong bagong utos.
Dahil sa lockdown, suspendido ang pagbibigay ng quarantine pass sa mga residente ng San Vicente at tanging ang mga authorized persons outside residence at may medical emergencies ang papahintulutang lalabas at papasok sa barangay.
Idinagdag niyang maipapadala ang rolling store doon para may mabilhan ang mga residente ng kanilang pagkain at gagamitin.
Kaugnay nito ay sinabi ng alkalde na kapag napahintulutan ang hiling nitong localized community quarantine sa Baguio sa May 1 ay mananatiling naka-lockdown ang mga barangay sa lunsod na una nang isinailalim sa lockdown.
Maaalalang ilang barangay na rin sa lunsod ang isinailalim sa lockdown habang ang iba ay patuloy na nakakatanggap ng babala dahil sa pagsaway ng ilang residente sa ECQ.