-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Isa ang nasawi at ilan ang nasugatan sa karambola ng tatlong sasakyan sa National Highway na bahagi ng Gabut, Dupax Del Sur, Nueva Vizcaya.

Ang nasawi ay ang isa sa pasahero ng tricycle na si Benjamin Laroco, 73-anyos, at residente ng Bangar, Solano, Nueva Vizcaya habang sugatan naman ang tatlo pang pasahero na sina Norma Esposo, Josephine Laroco at Mark James Martinez.

Sugatan din ang driver ng tricycle na si Rogelio Esposa, 61-anyos at residente ng Lupao, Nueva Ecija.

Nagtamo rin ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang driver ng Suzuki Rider na si Hushin Nogalis, 25-anyos, at ang kanyang angkas na si Nobles Nogalis na pawang mga residente ng Ramon, Isabela.

Wala namang tinamong sugat ang driver ng Tamaraw FX na si Joel Pido, 39-anyos, magsasaka at residente ng Sinapaoan, Sta. Fe, Nueva Vizcaya.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan patungo sa bayan ng Aritao ang tricycle at sumusunod naman ang Tamaraw FX habang ang motorsiklo ay patungo sa lalawigan ng Isabela.

Nang makarating sa paakyat na bahagi ng kalsada ay sinubukan umano ng FX na mag-overtake sa tricycle subalit tumama ang likurang gulong nito sa tricycle dahilan kaya nawalan ng balanse ang sasakyan at natumba sa gilid ng kalsada.

Sakto namang paparating ang motorsiklo sa kasalungat na direksyon at sinubukan ng driver na iwasan ang bumaliktad na tricycle subalit tumama pa rin ito na dahilan din ng pagkatumba ng motorsiklo.

Nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga sakay ng tricycle at motorsiklo.

Dinala ng mga rumespondeng rescuer ang mga biktima sa pagamutan subalit idineklarang patay kalaunan si Benjamin Laroco dahil sa tinamo nitong matinding pinsala sa ulo.

Nakalabas din agad sa pagamutan ang iba pang nasugatan matapos silang mabigyan ng lunas.

Dinala sa himpilan ng pulisya ang driver ng FX, at nagkaroon na rin ng pag-uusap sa mga sangkot at nagkasundo na magka-ayos na lamang.