CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang lalaki habang sugatan naman ang apat na iba pa sa karambola ng tatlong sasakyan sa Almaguer North, Bambang, Nueva Vizcaya.
Ang nasawi ay ang tsuper ng Toyota Hi-Ace Van na si Glenn Ong, 40-anyos, may-asawa habang sugatan naman ang kanyang ama na nakasakay din sa naturang sasakyan na si George Ong, 73-anyos, may-asawa at kapwa residente ng Sta. Clara, Aritao, Nueva Vizcaya.
Nasugatan din ang tsuper ng isa pang sangkot na sasakyan na isang Ford Everest na si Clifford Consolacion, 29-anyos, may-asawa at residente ng Banao Mabuslo, Bambang, Nueva Vizcaya.
Sugatan din ang mga sakay ng Isuzu Elf na minaneho ni Mark Clinton Sanchez, 31-anyos, may-asawa at residente ng La Trinidad, Benguet at ang kanyang sakay na si Alexander Bunnoy, 21-anyos at residente ng Nanrawakan, Kasibu, Nueva Vizcaya.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Bambang Police Station, papunta sa direksyon ng bayan ng Aritao ang elf at Ford Everest habang nasa kasalungat na linya ang van.
Ayon sa mga saksi mabilis ang takbo ng van nang nalipat ng linya kaya natagis nito ang ford everest at nag dire-diretso sa sumusunod na elf.
Sa lakas ng pagbangga ay nagtamo ng malalang sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang lahat ng sakay ng tatlong sasakyan at itinakbo sa pagamutan ng mga rumespondeng rescuer subalit idineklarang dead on arrival si Glenn Ong.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya posibleng nakaidlip ang tsuper ng van kaya hindi nito napansin na naiba na ng linya ang kanyang minamaneho.
Wala namang planong magsampa ng reklamo ang tsuper ng Ford everest at elf at sila na lamang umano ang magpapaayos sa kanilang mga sasakyan.