-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Isa ang nasawi habang isa rin ang sugatan sa banggaan ng kolong-kolong at SUV sa Talluan, Reina Mercedes, Isabela.

Ang nasawi ay ang tsuper ng kolong-kolong na si Roldan Cabalza habang ang sugatan naman ay ang asawa nito na si Jemma Cabalza na mga residente ng Mansibang, Nagullian, Isabela.

Ang tsuper naman ng SUV ay si Vincent Ver, 20-anyos, estudyante at residente ng Roxas, Naguilian, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Jefferson Dalayap, Deputy Chief of Police ng Reina Mercedes Police Station, sinabi niya na isinugod pa sa pagamutan ang mga biktima ngunit idineklarang dead on arrival ang tsuper ng kolong-kolong habang nasa pagamutan pa rin ang kanyang asawa.

Nagkaroon na ng pag-uusap ang pamilya ng suspek sa biktima at hindi na sila nagsampa pa ng kaso laban sa pinaghihinalaan.

Nangako naman ang pamilya ng suspek na sasagutin ang burol ng biktima at ang gastusin sa pagamutan ng kanyang asawa.

Nagpaalala si PCapt. Dalayap sa lahat ng motorista na mag-ingat sa pagmamaneho lalo na at pabagu-bago ang panahon na dahilan ng madulas na lansangan.