-- Advertisements --

Kinumpirma ni PAGASA weather division chief Dr. Esperanza Cayanan na may panibagong Low Pressure Area (LPA) ang inaasahang papasok ng Philippine Area of Responsibility (PAR) bago mag-Pasko at tatawagin itong “Vinta.”

Bukod ito sa inaasahang pagtama sa kalupaan ng Bagyong Urduja sa Biyernes sa bahagi ng Eastern Visayas.

Habang ang Bagyong Vinta naman ay inaasahan papasok ng PAR sa December 22.

Sinabi ni Cayanan na simula December 18 hanggang December 20, bahagyang gaganda ang panahon dahil December 17 inaasahang lalabas na ng PAR ang Bagyong Urduja.

Mahigpit naman ang pagpapaalala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council sa mga residenteng nakatira sa Northern Mindanao at Visayas na tumbok ng bagyong Urduja.

Ito ay upang walang maitalang casualties na dahil sa epekto ng bagyo.

Pinag-iingat na rin ang mga nakatira sa mga low lying areas dahil magdadala ito ng malakas na ulan na maaaring maging sanhi ng pagbaha.