Pinatotohanan ng isa pang opisyal ng Department of Education ang alegasyon ni retired DepEd USec. Gloria Jumamil-Mercado na namigay ng ‘cash envelopes’ si VP Sara Duterte sa ilang opisyal ng ahensiya noong siya pa ang kalihim.
Isa sa umamin na nakatanggap ng naturang envelope ay si DepEd director at dating Bids and Awards Committee (BAC) chairman Resty Osias.
Sa interpelasyon ni Manila 2nd district Rep. Rolando Valeriano kay Osias sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability, kaniyang inamin na nakatanggap siya ng 4 na envelopes na naglalaman ng P12,000 hanggang P15,000 na cash sa 4 na magkakahiwalay na okasyon noong 2023.
Paliwanag ng DepEd official na akala niya’y common practice na ito sa ahensiya. Natanggap umano niya ang naturang sobre mula kay VP Sara sa pamamagitan ni dating DepEd ASec. Sunshine Fajarda mula Abril hanggang Setyembre 2023.
Hindi naman napigilang ipunto ni Cong. Valeriano na natigil ang pagbibigay ng cash envelopes para kay Osias noong Setyembre 2023, panahon aniya na kinukwestiyon na ang confidential fund ni VP Sara sa Kamara.
Matatandaan na sa naunang pagdinig sa komite noong Setyembre 25, sinabi ni retired DepEd USec. Mercado na nakatanggap siya mula kay Duterte ng buwanang sobre na naglalaman ng P50,000 bawat isa mula Pebrero hanggang Setyembre 2023.
Nanunungkulan noong panahong iyon si Mercado bilang DepEd Head of procuring entity.
Una na ngang nagsilbi si VP Sara bilang kalihim ng DepEd mula Hunyo 30, 2022 hanggang sa magbitiw siya noong Hulyo 19, 2024.