Inilipat na ngayon sa mas ligtas na lugar ang isa pang inmate mula sa New Bilibid Prison na ngayo’y person of interest ng pulisya sa kasong pagpatay sa mamamahayag na si Percy Lapid.
Kinumpirma ito ni Philippine National Police Public Information Office chief Police Col. Redrico Maranan batay sa kaniyang pakikipag-ugnayan kay Special Investigation Task Group Lapid Commander Kirby John Kraft.
Kasunod ito ng naging pahayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla kung saan sinabi niya na nakakuha pa sila ng isa pang person of interest na may kaugnayan sa namatay na pinaniniwalaang ‘middleman’ sa naturang kaso na si Jun Villamor na kilala rin sa ngalan na Crisanto Villamor.
Paliwanag ng Bureau of Corrections, nakakuha raw kasi sila ng dalawang preso sa Bilibid na may apelyido na Villamor at isa na nga rito ay Jose Villamor na pinsan ng nasawing “middleman”.
Ayon kay Remulla, kasalukuyan na itong nasa PNP Custodial Center upang matiyak ang kaniyang kaligtasan.
Samantala, una rito ay tiniyak na rin ni Interior Secretary Benjamin Abalos na magdodoble kayod ngayon ang pulisya upang mahuli ang mismong utak sa pagpatay kay Lapid at upang mapanagot ang mga dapat aniyang managot sa nasabing krimen.