DAVAO CITY – Binigyan ng dalawang araw ng Anti-Scam Unit (ASU) ng pamahalaang lungsod ng Davao ang nagpapatakbo sa Organico Agribusiness Ventures Corporation upang magpakita ng kanilang negosyo matapos itong pagdudahan na sangkot sa investment scam.
Ayon kay Simplecio Sagarino, head ng ASU, nagpakita umano sa kanilang opisina ang nagpakilalang manager na si Jesica Hao, ngunit walang dalang mga dokumento.
Gayunman, nanindigan naman sila na hindi raw sila investment scam, kundi involved lamang sa buy and sale business.
Sa takbo ng negosyo, iba umano ang nakita ni Sagarino dahil nagi-invest ang mga tao at walang binibili.
Gustong makita ng ASU ang mga permit ng Organico kaya binigyan ng dalawang araw na makapagpakita ng kopya ng kanilang business permit.
Muling nagbabala sa publiko ang tanggapan batay sa Securities and Exchange Commission advisory na iwasang mag-invest ng pera sa Organico.