DAVAO CITY – Humingi ng tulong at proteksyon sa NBI 11 ang isa pang freelance model na nagsabing nagahasa rin ng nakakulong ngayong miyembro ng Philippine Coast Guard na si Khalid Abdullah, na nauna nang inakusahan ng panggagahasa ng isang modelo.
Sa pagharap ng biktima sa tanggapan ng NBI 11 kahapon, Abril 27 ng hapon, ibinunyag ng 23-anyos na biktima na itinago sa alyas na “Inna”, na una siyang tinawag ng nagpakilalang heneral na si Abdullah noong Nobyembre 29, 2022 upang maging modelo ng isang event sa isang casino sa Davao City.
Kinuha rin aniya ang contact number sa kakilala ng biktima na kalauna’y naibigay sa suspek.
Bandang alas-7 ng gabi nang sinundo ang biktima, dahil alas-10 ng gabi sana magsisimula ang naturang event.
Habang nasa sasakyan ng suspek, huminto sila sa isang madilim na lugar sa Buhangin, Davao City.
Doon na rin ibinunyag ni Abdullah na hindi matutuloy ang naturang event.
Mariing tumanggi ang biktima nang hilingin sa kanya ng suspek na maging asset sa isang buybust operation sa Indangan.
Noong gabi ring iyon ay pareho silang huminto sa madilim na bahagi ng Barangay Cabantian at doon na siya binantaan ng suspek na si Abdullah at tinutukan ng baril.
Ayon sa biktima, hindi niya magawang humingi ng tulong nang halayin siya sa likod ng sasakyan ni Abdullah.
Dahil sa naturang pangyayari ay nakaranas ng matinding trauma si alyas “Inna” sa loob ng ilang buwan.
Gayunpaman, nag-lakas loob ang biktima na humarap sa mga awtoridad dahil na din sa pagturo ng kaibigan niyang si alyas “Anna” kay Abdullah na gumahasa rin sa kanya, nang madakip ang suspek noong Abril 22.
Ayon sa NBI 11, iisang baril na may expired na lisensya ang ginamit ni Abdullah sa parehong krimen na pagtugis at panggagahasa sa dalawang modelo.
Hinimok din ng NBI ang mga posibleng biktima ni Abdullah na lumapit sa tanggapan at magsampa ng reklamo laban sa suspek.
Nakatakdang sampahan ng kasong Usurpation of Authority, Rape, Human Trafficking, at Illegal Possession of Firearms ni alyas “Inna” ang suspek na kasalukuyang nasa kustodiya ng NBI 11.