ILOILO CITY – Isa na namang Pilipino ang napabilang sa pinakabagong mga kaso ng coronavirus disease sa bansang Singapore.
Ayon sa Ministry of Health ng Singapore, isang 34-anyos na Pinay domestic helper ang dinapuan na rin ng COVID-19, maging ang 68-anyos na amo nitong Singaporean.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Roberto Catipunan Jr., overseas Filipino worker (OFW) sa Singapore, sinabi nito na umabot na sa 108 ang kaso ng COVID-19 sa Singapore kung saan 78 na ang nakalabas na ng ospital at 30 naman ang patuloy pa na ginagamot sa ospital.
Ayon kay Catipunan, ang 34-anyos na OFW ang ika-108 na nagpositibo sa virus sa naturang lugar matapos mahawaan ng kanyang employer.
Ani Catipunan, dahil sa nasabing sakit, bumagsak ng 30% hanggang 40% ang ekonomiya ng Singapore.
Ayon kay Catipunan, kung ihahambing noong Enero at Pebrero, mas mabuti na ang sitwasyon sa lugar dahil may mga tao nang makikita sa daan at hindi na parang ghost town.
Dagdag pa nito, kung noong una bukas ang mga department stores sa Singapore hanggang alas-10:00 ng gabi, ngayon hanggang alas-8:00 na lang ito ng gabi binubuksan dahil sa pagbaba ng numero ng mga customers.