BACOLOD CITY – Umakyat na sa dalawa ang bilang ng mga napatay ng mga pulis mula sa mga inmates na tumakas sa Negros Occidental District Jail ng Martes ng madaling araw.
Nitong tanghali, napatay si Danilo Celeste, residente ng Victorias City matapos manlaban sa mga kapulisan ng sila ay natunton sa isang barong-barong sa Sitio Catalba, Barangay San Fernando, Talisay City.
Sa interview ng Bombo Radyo Bacolod kay Police Major Jigger Gemino, hepe ng Talisay City Police Station, may nagparating ng impormasyon kaninang umaga na mayroong nakita na mga lalaki na naglalakad sa lugar na walang saplot ang paa.
Nang mapatunayan, agad na nagtungo sa lugar ang mga miyembro ng Talisay City Police Station, Special Weapons and Tactics Team, 1st Mobile Force Company, Military Intelligence Company at Bureau of Jial Management and Penology.
Pinaligiran ng mga otoridad ang barong-barong at binigyan ng pagkakataon ang mga pugante na sumuko, ngunit ng lumapit ang tropa, nagpaputok ang mga ito kaya napilitan ang mga pulis na gumanti.
Nakatakbo pa si Celeste ngunit dahil sa marami itong tama ng bala, namatay ito sa kakahuyan malapit sa nasabing barong-barong na kanilang pinagtaguan.
May kasama si Celeste ngunit hindi pa matukoy kung isa o dalawa ang kasama nito.
Ayon kay Gimeno, nasugatan ang kasama ni Celeste ngunit nakatakas.
Hindi pa din matukoy ng mga otoridad kun sino ang nakatakas na pugante.
Si Danilo ang nakakatandang kapatid ni Marvin Celeste na napatay ng mga pulis sa Hacienda Veles, Barangay Blumentritt, Murcia ng Miyerkules ng umaga.
Si Danilo ang may kasong carnapping, roberry, illegal possession of firearms at attempted homicide habang si Marvin ang may kaso na illegal possession of firearms.
Dahil sa pinakahuling development, dalawa nalang sa mga pugante ang patuloy na pinaghahanap ng otoridad, na sina Francisco Epogon at Alejandro Montoya.