-- Advertisements --
image 341

Naghain ngayong araw ng Affidavit of Recantation ang isa pang suspect sa kaso ng pagpatay kay Governor Roel Degamo at sa siyam na iba pang nadamay sa pamamaril noong March 4 ng kasalukuyang taon.

Kinilala ang suspect na si Joven Javier.

Sa naturang Affidavit ay binabawi ni Javier ang kanyang mga pahayag na may kaugnayan sa kanyang pagkakasangkot nito sa pagpatay kay Degamo.

Binawi rin ng nito ang kanyang naging testimonya na kung saan itinuturo niya si Teves bilang mastermind sa karumal-dumal na pamamaslang sa gobernador.

Sa isang pahayag, sinabi ni Atty. Danny Villanueva na binawi ng kanyang kliyente ang apat nitong testimonya.

Ang unang salaysay ay ginawa umano sa harapan ng Pulisya sa Negros Oriental at ang tatlo ay ginawa sa harap ng National Bureau of Investigation sa Maynila.

Kung maaalala, sinabi ni Javier sa kanyang unang testimonya na siya ay kabilang sa mga unang na recruit at kasama rin ito sa tangkang pag ambush kay Degamo noong December 22,2022.

Inilahad rin nito na nakatira sila sa isang safe house na malapit sa ancestral house ng mga Teves.

Ayon kay Villanueva, pinagmalupitan umano si Javier ng mga awtoridad sa Negros Oriental at sa Maynila.

Sinabi rin ni Villanueva na nakatakda silang maghain ng petition for habeas corpus sa Manila Trial Court para sa pagpapalaya sa kanilang kliyente.

Aniya, mayroong seryosong banta sa buhay ni Javier at batay sa kanilang natanggap na impormasyon ay palalabasin itong tumakas at nanlaban sa mga awtoridad.

Paliwanag pa ni Villanueva , ang paghahain nila ng petition for Habeas Corpus ay para sa kaligtasan ng kanilang kliyente.